L A N G A W

Don't judge a shit by the flies that hover around it.

I.D.

may 5 puna

Pag wala ka palang I.D., hindi ka tao. Hindi ka totoo. Hindi ka nag-eexist.

Eksena Bilang 1: Nakalimutan mo dalhin ang I.D. mo. Nasa gate ka na ng iskwelahan mo.

Sikyu: ID mo?

Ikaw: Hindi ko po dala e.

Sikyu: Bawal pumasok.

Ikaw: Mahuhuli na po ako sa klase ko.

Sikyu: Estudyante ka ba talaga rito?

Ikaw: Opo. Nakalimutan ko lang po talaga dalhin yung ID ko. Naiwan ko po sa bahay. Kaya papasukin n’yo na po ako. Sige na po, please.

Sikyu: No ID, no entry.

Samantala…

Guro: *rollcall*

Kaklase: Absent po.

Eksena Bilang 2: Balikbayan ka galing abroad. Marami kang dollars na dala.  Magsa-shopping ka sa SM.

Cashier: Sir, I.D. n’yo po.

Ikaw: Ha?

Cashier: Kailangan pong mag-present kayo ng proof of identification pag magpapapalit kayo ng pera.

Ikaw: E hindi ko dala yung passport ko e.

Cashier: I.D. po?

Ikaw: Hindi ko rin dala.

Cashier: Sir, hindi po pwede. Sorry.

Eksena Bilang 3: Friday night. Gimmick with friends. Inuman sa bar.

Waiter: Can I see your I.D.?

Ikaw: What for?

Waiter: I need to verify your age.

Ikaw: But I’m already 21!

Waiter: I need to verify your age.

Ikaw: I don’t have my I.D. with me.

Waiter: I’m afraid I can’t take your order then.

Maski sa paghahanap ng trabaho, sa pag-claim ng papremyo, sa pagmamaneho,  at sa marami pang ibang sitwasyon, kelangan ng identifikasyon. Kung wala kang passport, hindi ka pwedeng umalis ng bansa. Kung wala kang VISA hindi ka pwedeng pumasok sa ibang bansa (maliban sa HK). Kung wala kang driver’s license, hindi ka pwedeng magmaneho. Kung wala kang Social Security card, hindi ka pwede magtrabaho. Kaya kung wala kang birth certificate, hindi ka makakapag-aral, makakapaghanap ng trabaho, makakapag-abroad, etcetera. Hindi ka tao! Hindi ka totoo! Hindi ka nag-eexist!

Sa mundong ito, higit na mahalaga ang I.D. mo kaysa sarili mo.

Written by langaw

Setyembre 7, 2009 at 2:00 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Luv

may 8 puna

Naligaw ako sa isang blog na may mahabang listahan ng mga quotable quote mula kung kani-kanino. Kumbaga sa Ingles e, people from all walks of life. Merong quotes mula sa mga popular na awtor gaya nina Bob Ong at Paulo Coelho. Meron ding mga nakakatuwa mula kina Paulo Kwelyo, mga Bob Ong wannabe, at Nagtitinda ng  gulay. Sa lahat ng mga nakatala, isang quote ang higit na tumawag ng aking pansin. Galing sa textmate ng blogger:

Kung pagmamahal lang ang problema mo eh di magmahal ka. Pwede namang magmahal kahit wala kayong relasyon.

Akma ang quote sa napapanahong isyu tungkol sa battered wife ni Chavit Singson. Interesanteng suriin ang papel ng pag-ibig sa pagsasama ng dalawang indibidwal. Gusto kong matukoy kung ang teorya ng ‘true love’ ay mito o totoo. Sa lipunang patriyarkal, hindi na nakapagtataka kung dehado ang kababaihan maging sa relasyon. Subalit hindi nangangahulugan na dahil ganito ang siste, hindi na ito mali. Bagamat nang marinig ko ang balita at mapanood sa screen ang nag-uubeng mukha ng asawa ni Chavit, hindi ko pa rin naiwasang hindi magulat. Tila yata kahit panahon walang panama sa sistema. Siguro nga nasa tao na rin lang talaga ang diskarte. Kahit gaano pa kamoderno o high-tech ang panahon, may mga laban na sadyang mano-mano lang. (Hello Pacquiao?) Gayunpaman, babae man o lalaki, tungkulin ng bawat isang ipagtanggol ang kanyang mga karapatan. Kung nagawa mong magmahal ng iyong kapwa dahilan para ikaw ay pumasok sa isang relasyon, sarili mo pa kaya ang hindi mo kayang mahalin at magawang ipagtanggol?

Hindi ko inuusig ang battered wife bilang babae. Inuusig ko siya bilang indibidwal. (Off-topic na tuloy.)

Ayon sa balita, umusbong ang pag-iibigan (=’true love’) sa pagitan ng dalawa dahilan para sila’y magsama bagamat hindi naging legal na mag-asawa. Nagkaroon ng limang anak at pagkatapos ng ilang dekadang pagsasama, nauwi sa hiwalayan. Nambababae umano ang dating gobernador. Nang maghiwalay, naghanap ng bagong boyfriend ang dating Misis na siyang naging mitsa ng kanyang madilim na sinapit.

Sa nobela ni Gabriel Garcia Marquez, ang Love in the Time of Cholera, hindi nag-umpisa sa ‘true love’ ang pagsasama nina Dr. Juvenal Urbino at Fermina Daza bilang mag-asawa. Si Florentino Ariza ang kasintahan noon ni Fermina Daza. Gayunpama’y di naglao’y nahulog din ang kanyang loob sa napangasawa. Ibig sabihin pala ang puso ay natuturuan mong magmahal. (At magagawa mo ito kung gagamitin ang utak mo.)

Sa kabilang banda, si Florentino Ariza ay puro puso kaya tuloy para siyang asong naulol nang magpakasal ang kanyang ‘true love’ sa tanyag, matagumpay, at mayamang doktor. Partida lang sa kanya ang naging ending ng nobela dahil siya ang bida at namatay ang doktor. Pero kung hindi pinatay ni Gabriel Garcia Marquez si Dr. Juvenal Urbino, hindi makakakilos si Florentino Ariza. Sa isang bahagi ng kwento, inamin ni Fermina na atraksyon na may halong delusyon lamang ang kanyang naramdaman kay Florentino Ariza. Isa pa ay mga bata pa sila noon. Samakatuwid, ang kanilang istorya’y isa lamang kaso ng puppy love.

Kung paghahambingin ang dalawang sitwasyon, mahihinuhang hindi nakabatay sa ‘true love’ ang pagtatagumpay ng pagsasama ng dalawang indibidwal bilang mag-asawa. Dito na pumapasok ang kaibhan ng puppy love sa kasal. Batay na rin sa pahayag ni Fermina Daza, ang ‘true love’ ay manifestasyon lamang ng immaturity kung kaya’t totoo lamang ito sa puppy love. Samantala, ang kasal ay may basbas ng simbahan at nakatali sa batas. Ito ay hindi na lamang concerned sa pagiging in-love ng mag-partner kundi isang panibagong responsibilidad ng dalawang pinagbuklod na indibidwal. Mas mahirap kamo dahil kailangang may pakikisama, may pag-unawa, may pasensya, etc. Ika nga ni Dr. Juvenal Urbino,

The most important thing in a good marriage is not happiness, but stability.

(Walang nabanggit na ‘true love’.) At sabi ko naman,

I don’t believe in love. I only believe in fixed marriage. :D

(Wag pansinin.) Samakatuwid, ang teorya ng ‘true love’ ay hindi totoo. Ito ay isang mito. Meron lamang puppy love, kung kaya’t ang mga tao ay naiin-luv. Taliwas sa nasa pambungad na quote, na isang halimbawa ng escapism, malaya kang pumasok sa isang relasyon basta’t alam mo ang iyong obligasyon.

Written by langaw

Setyembre 5, 2009 at 4:28 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng ,

Tsikot

may 2 puna

Ang una kong naging kotse ay isang kulay berdeng secondhand na Honda Civic. Yung kulay ng berdeng nakayayamot tingnan pero hindi mo pwedeng hindi tingnan kasi takaw-tingin kung ikukumpara sa mga pangkaraniwang kulay ng kotse gaya ng itim, puti, o grey. Nakayayamot tingnan kasi hindi naman kasing-cool ng mga kotseng kulay pula o dilaw, lalo na kung sportscar. Sabi ng nanay ko aquamarine daw ‘yun.

Nagkaroon ako ng kotse bago pa ako nagka-lisensya. Mapapatawad mo pa ‘yan kasi kailangan naman talaga marunong ka muna magmaneho kaya dapat nagpapapraktis ka sa kotse mo. Pero yung magkaroon ka ng kotse pagkatapos ay lisensya kung kelan ka nawalan ng trabaho dahil natapos na at umalis ka na, isang malaking kaululan ‘yon. Sayang diba? Pero WTF, hindi naman ako ang gumastos kaya sige lang.

Dati noong nangangarap pa lang ako, naiimagine ko ang sarili kong sobrang astig na drayber gaya nung mga napapanood ko sa TV tsaka mga nababasa ko sa libro. Yung tipo ng mga tao na sa sobrang cool e bored na bored sila sa buhay at panay drive lang kung saan-saan ang inaatupag. Sige lang sa road trip. Saya ‘nun.

Nang matuto na ako magmaneho, natigil ang pangangarap ko nang gising. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagka-phobia ako sa highway bago pa man ako sumubok magmaneho doon. Premature case? Anlabo. Natakot ako dahil ‘kako andaming kotseng kasabay at kasalubong pagkatapos mabibilis pa ang andar. Wow ang stupid. Pero kasi may hidden meaning sa statement kong ‘yun e. Natatakot ako hindi para sa sarili ko kundi sa mga kasabay at kasalubong ko dahil sa tendency kong banggain sila. Naiisip ko kasi yung mga bump car. Dahil siguro hindi ko ‘yun nasubukan noong bata ako, narepress sa subconscious. Kaya nang magkaroon na ako ng pagkakataon humawak ng manibela, ang dinidikta sa akin ng utak ko e yung rule sa bump cars. Dapat yata bukod sa written test e nagbibigay din ng psychological test ang mga Licensing Office.

Sa unang subok ko magmaneho sa highway, nagalusan ako sa kanang braso ko. Hindi dahil sa aksidente pero muntik na. Babanggain ko kasi sana yung nasa kaliwa kong SUV (yata) at sa higpit ng pagkakakapit sa akin ng ate ko, bumaon ang mga kuko niya sa braso ko. Pinalilipat niya kasi ako sa kaliwang lane at nag-signal left naman ako. Hindi ako makapagdesisyon kung kelan ako gagalaw dahil nga may SUV (ata). Yun pala naman e pinagbibigyan na ako sumingit hindi ko nga lang ‘gets’. Nung tiyempong umarangkada na yung SUV (ata) kasi nainip na rin siguro, saka ko naman kinabig nang walang kamalay-malay ang manibela pakaliwa at yun. PIP-PIIIP-PIIIIIIIP!!! Tanggal ang tutuli ko at nagbalik ang malay-tao ko sa mundo, sa kalsada. Hindi nga pala kami nakasakay sa bump car at agad kong inapakan ang preno.

Kung sa Maynila siguro ako nag-aral at natuto magmaneho, magkakatotoo siguro ang pangarap ko. Hindi lang ako magiging ganap na astig na drayber. Suicidal pa. Gaya ng mga tsuper ng provincial bus na sinasakyan ko. Walang laban maski ang hari ng kalsadang si Sarao.

Written by langaw

Setyembre 4, 2009 at 1:26 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng

Exotic

may 3 puna

Napanaginipan ko raw na may batang lalaking nag-aalok sa akin kainin ang buhay na jellyfish na nasa palad niya. Mukha nga talagang totoong jellyfish pero napakaliit nito. Kasinlaki yata ng maliit na gagambang pinaglalaruan ng mga bata na inilalagay sa kahon ng posporo. Hindi ko na nalaman kung kinain ko nga ang jellyfish dahil nagising na ako at pagbangon ko’y alas onse na ng umaga.

Naalala ko tuloy nung kumain kami ng mga kabarkada ko noong college sa Balaw Balaw last week. Ako ang nagyaya sa kanila sa Balaw Balaw Specialty Restaurant dahil nagse-serve sila ng mga exotic na pagkain. Napanood ko kasi dati sa Travel Channel na pinuntahan ito ni Andrew Zimmern (Bizarre Foods with Andrew Zimmern).

Sa Megamall kami nagkita-kita noong Linggo tapos sumakay kami ng FX biyaheng Angono. May FX terminal pagtawid mo sa labas ng Supermarket sa Mega B. Sinabi namin sa mamang tsuper na ibaba kami sa Balaw Balaw. Sikat yung kainan kaya maski di mo na sabihin ang address. Singkwenta pesos kada isa ang singil sa amin dahil inihatid na kami mismo sa tapat ng restaurant. Tumawid lang kami dahil nasa kabila ng highway, sa kaliwa, yung Balaw Balaw na sa second floor ay art gallery.

Umorder kami ng Minaluto, yung specialty nila na isang bandehadong kanin na may sari-saring ulam sa ibabaw (baboy, manok, pulang itlog at kamatis, alimasag, sugpo, pritong isda, tahong, kangkong at talong) na nakalagay sa parang bilao  (pero may takip, kaya hindi siya bilao hahaha!) na may saping dahon ng saging. Umorder din kami siyempre ng balaw balaw (para siyang alamang, yung sahog sa pinakbet, kasi fermented shrimp din) na native sa Angono. Ansarap! Yun ang pinakapaborito ko sa mga kinain namin. Pagdating sa exotic, baboy damo (tapa) ang inorder namin. Tinanong kami ng waiter kung anong sabaw ang gusto namin, panay kasi prito ang ulam. Hiningi namin ang opinyon niya. Inalok kami ng soup no. 5 na mariing tinutulan naming apat. Nagulat ako sa sarili ko dahil paniwalang-paniwala ako na game na game ako sa kahit ano dahil ako ang nagyaya at tutal naman e nandoon na kami, dapat feeling Andrew Zimmern na rin. Kaso, wala. Naduwag ako sa bayag ng baka hahaha.

Habang tinitingnan pa namin yung ibang nakasulat sa Menu nila, napunta sa balut ang usapan. Sa aming apat, ako lang pala ang hindi pa nakakatikim ng balut na siyang lalo ko pang ikinagulat. Diyata’t mapapahiya pa ako sa kanila. Ang ipinagmamalaki kong frog legs at crocodile meat e balewala dahil hindi ko man lang natikman ang mismong atin.

Naparatangan pa tuloy akong hindi Pinoy.

Sa Japan, natikman ko ang pinakamasasarap (at weird) na ice cream flavors — tofu, green tea, green tea & sweet potato, tofu & black sesame, at peach. Pinatikim din kami ng isa sa mga naging tour guide namin ng pinatuyo at pinitpit (flattened) na octopus. Lasang papel lang na maalat-alat. Hahaha. Ewan, hindi ako magaling sa deskripsyon ng mga pagkain.

Bago ko makalimutan, hindi pa rin pala ako nakakatikim ng isa pa sa mga pinaka-common street food sa atin. Diyata’t hangga’t hindi ako nakakakain ng isaw, wala akong karapatan magbuhat ng sariling bangko.

Written by langaw

Setyembre 3, 2009 at 5:30 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng ,

Congratulation!

may 6 puna

Pagsilip ko kanina sa selepono ko, may dalawang mensahe akong natanggap. Pagpindot ko ng “Read”, unregistered number ang nag-text.

Pareho kong binasa ang mga mensahe at saka ako nagpuntang lababo para maghugas ng kamay nang makakain ng almusal. Nanalo raw ako ng Php850,000.00 (2nd prize) sa electronic raffle ng isang organisasyon.. (nakalimutan ko na maski yung acronym) bilang pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo. Nagpakilala siya bilang si Attorney.. (nakalimutan ko na rin maski ang apelyido niya). I-text ko raw ang aking Pangalan, Edad, at Tirahan. O kaya nama’y tumawag sa kanyang numero para sa iba pang detalye.

Habang nginunguya ko yung slice bread ng Julie’s, napaisip ako kung anong pwede kong gawin sa halagang napanalunan ko.

Una kong naisip ay ipagkaloob ang matagal nang wish ng nanay ko: ang magpa-tattoo. Sabi ko kasi dati sa sarili ko, pag-iipunan ko  muna yung halaga para iyon ang regalo ko sa kanya sa ika-60 niyang kaarawan sa sunod na taon. Pero dahil nga wala naman akong trabaho hanggang ngayon at walang kasiguruhan kung makakapaghanap ako ng trabaho hanggang sa susunod na taon, mas mabuti nang ipagkaloob ko na agad ngayon habang may pera pa.

Sunod kong naisip ay mag-tour sa Palawan. Matagal ko nang pangarap na makarating ng Palawan. Pupunta kami ng Puerto Prinsesa pagkatapos ay sa Coron. Pupuntahan namin ang mga kamag-anak namin doon na hindi ko pa nakikilala.

Pagbalik namin sa Batangas pagkatapos ng isang linggong pamamasyal sa Palawan, aasikasuhin na namin ang aming application for VISA para makapaglibot kami sa Europe sa darating na Pasko. Pupunta kaming Paris, Prague, Frankfurt, Venice, Milan, Rome, Sicily, Brussels, Vienna, Holland, tsaka sa Switzerland. Kung may pagkakataon (at pera) pa, dadayuhin din namin ang Spain at Portugal.

Pag may natira pang pera pagbalik namin ng Pilipinas sa 2010, sasagutin ko ang isang buwang halaga ng renta ng apartment pati na ang singil sa kuryente at tubig. Mag-iinvest din ako sa negosyo ng Ate ko sa kanyang computer shop. Pagkatapos, sisimutin ko ang natitirang pera sa pamamalengke at/o grocery. Titiyakin kong wala ni isang sentimong matitira sa cash prize na pinanalunan ko.

Kinuha ko uli ang selepono ko na nakapatong sa ibabaw ng refrigerator at binasa ang natanggap na mensahe.

CONGRATULATION! YOU HAVE JUST WON 85o,000.oo (2Nd PRIZE)… BLAH BLAH BLAH

Congratulation, shit! Nanalo ako ng P850,000.00! Muntik ko nang i-text si Attorney ng “Thank U” kaso…

Ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.

…nanghihinayang ako sa piso ko.

Akala ko sa email lang kumakalat ang mga ganitong modus operandi. Nanalo rin ako noon sa Yahoo.

Written by langaw

Setyembre 2, 2009 at 5:35 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng

Liham

mag-iwan ng puna »

Ako’y hindi totoong magiging bato
Lalo’t kung Kamataya’y ako’y laging talo.

Para kay Kris A.:

Kalakip nito ang kopya ng kanta ng isa sa mga paborito kong banda, ang Death Cab for Cutie. Gusto ko sanang iparinig sa iyo ang liriks ng kantang ito dahil nababagay ito sa kasalukuyang kalagayan mo, sampu ng iyong naulilang pamilya.

Alam mo, pareho tayo kaya alam ko ang nararamdaman mo. Masakit mawalan ng magulang, lalo na’t karamdaman ang nagwagi sa laban. Pero ang kaibhan lang natin, ikaw, naging mabuti kang anak. Nasa tabi ka niya hanggang sa katapusan. Ako, hindi. Dalawang beses akong nahuli ng dating. Sa kanilang dalawa, kay Mommy ako higit na nasaktan. Higit apat na taon na ang nakararaan mula nang siya’y mamatay. Hanggang sa pagkamatay ni Daddy nitong ika-27 ng Hulyo, ipinagluluksa ko pa rin ang kanyang kamatayan.

Kaya nga nang mabalitaan ko noong ika-28 ng Hulyo (Pacific time) na namatay si Daddy, hindi ako labis na nalungkot. Oo, umiyak ako. Pero habang umiiyak ako, masaya ako. Kasi, alam mo ba, ang nasa isip ko, magkakasama na ulit sila ni Mommy. Pati na rin ni Ate Lissa at ni Auntie. Tsaka pala nina Tita Dor at Ate Dahls.

Nang dumating ako sa burol ni Daddy noong ika-31 ng Hulyo, hindi ako umiyak o napaiyak. Kalmado ako sa buong magdamag sa huling lamay hanggang sa libing kinaumagahan. Agad kong natanggap ang pagkamatay niya. Madali kong natanggap dahil nakapagpaalam ako sa kanya noong nakaraang taon bago ako lumipad. Hindi kay Mommy, na may anim na taon kong hindi man lang nadalaw o naisip dalawin, kaya ganon na lamang katindi ang pagdadalamhati ko nang dumating ako kung kailan wala na siya. Guilt-ridden talaga.

Kung ako sa’yo, ipagpasalamat mo na lamang na natapos na ang paghihirap ng Mom mo. Tsaka, gaya nga ng sinabi ko, naging mabuti kang anak dahil binantayan at inalagaan mo siya hanggang sa huli. Iyang bagay na yan ay dapat mong ipagpasalamat. Kung maibabalik ko nga lang ang panahon, e di sana naging mabuti rin akong anak tulad mo. Sana hindi ko sinayang ang pagkakataon na maipadama sa kanila ang pagmamahal sa pamamagitan ng paglingap. Sana nabantayan ko rin sila. At sana hindi ako nasasaktan ngayon sa tuwing maririnig ko ang huling linya sa huling stanza ng kantang, What Sarah Said: “…that love is watching someone die.”

Di tulad mo, di ko nagawang mahawakan man lang ang kamay o mayakap ang isa sa kanila sa huling pagkakataon na humihinga pa sila. Nasilip lang pero ang masaklap, sa ibabaw na ng de-salaming kahon.

Kaya maswerte ka. Kainis!

Karamay sa pighati,
Ako lamang

P.S. Hindi ko mai-attach ang audio file. Maaari bang paki-google mo na lamang ang kanta? Mayroon sa YouTube bagamat hindi iyon official music video.

***

Napansin ko lang, isa-isa na akong iniiwan ng mga mahal ko sa buhay. Pero carry lang. Ika nga ni Lord Alfred Tennyson, ’tis better to have loved and lost than to have never loved at all.

Written by langaw

Agosto 25, 2009 at 10:25 Umaga

Ipinaskil sa Scratch Paper

Minarkahan ng , ,

Nilalangaw na Blog

may 2 puna

Sa dinami-dami ng kwentong nakalap, walang maitala. Mahirap magsulat lalo’t hindi handa. Nahihirapan ako magsimula. Maraming kabanata sa buhay sana ang nakahanay na at naghihintay lamang ng pagkakataong mailahad. Kaya lang, hindi ka naman makakapagsilab kung walang panggatong. Hindi ko alam kung paano at saan uumpisahan ang kwento ko.

5 Dahilan Kung Bakit Hindi Maumpisahan ang Kwento

1. Mafia Wars. Pag napa-login na ako sa Facebook, maghapon nang nakatutok sa pagpapalevel-up. Nitong Abril lang ako nagsimulang maglaro.

2. Grief. Totoo pala yung sabi-sabi na hindi mainam pag isinasaloob mo lamang ang nararamdaman mo. Akala ko kasi dahil hindi ako umiyak sa lamay at libing, OK na ako.

3. Mission 101, #101. Dahil sa mga hindi inaasahang kaganapan, napabayaan ko ang pagbabasa. Kaya ngayon, naghahabol ako.

4. Walang gana. Self-explanatory. Pero parang hindi. Hindi ko kasi maipaliwanag. Wala yatang paliwanag. O hindi ito rason?

5. Tamad. Same as no.4.

Written by langaw

Agosto 23, 2009 at 3:42 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng

Sombi

mag-iwan ng puna »

Hindi naman ako dati ganito. Untouchable. Hindi maka-connect sa kapwa ko. Simpleng bagay na hinihiling sa akin para sa isang munting kasiyahan hindi ko man lang matugunan. Hindi ko na rin magampanan ang responsibilidad ko bilang indibidwal. Inutil. Nabubuhay ako para umasa sa iba at umaasa sa iba para mabuhay. Kung buhay ngang matatawag ang ganito.

Pinatay ako ng Amerika. Siyam na buwan kong dinala ang guilt ng pag-alis, paglunok ng pride at pagtalikod sa ambisyon. Isang buwang nagtrabaho, walong buwang nagkulong sa kwarto. Sa loob ng siyam na buwan, isinilang nga ang bagong Ako. At sa aking pagbabalik sa sariling bayan ko, huling lamay at libing ang sumalubong sa akin. Walang pera, walang trabaho, walang plano, at matigas ang ulo. Ito ang katotohanan. Nabubuhay ako para umasa sa iba at umaasa sa iba para mabuhay. Kung buhay ngang matatawag ang ganito.

Napipinto na namang muli ang pagtakas ko. Sa pagkakataong ito, isa ang tiyak ko: wala nang mawawala sa ulilang sombi na ito.

Everything before now, before now, before now, is just a story I carry around. I guess that would apply to anybody in the world. What I need is a new story about who I am. What I need to do is fuck up so bad I can’t save myself. – p.224, Invisible Monsters (Chuck Palahniuk)

Written by langaw

Agosto 22, 2009 at 9:52 Umaga

Ipinaskil sa Tissue Paper

Ulila

mag-iwan ng puna »

Ulila na ako sa pangalawang magulang.

Kamamatay lang ni Daddy ng nakaraang buwan. Kasabay ng kanyang libing, pumutok ang balitang patay na si Tita Cory. Kaya ang pagdadalamhati ng naiwang pamilya ni Daddy nasapawan ng week-long media coverage ng pagluluksa nina Kris at Baby James at pakikiramay ng mga artista, pulitiko, alagad ng simbahan, at ng masa. Sa madaling salita, ng buong sambayanang Pilipino.

Hindi naman ako galit. Mas nainis pa nga ako sa libing ni Daddy. Pa’no yung mama. Namimigay siya ng mga puting rosas sa immediate family ni Daddy na iaalay sa kanya pag isinilid na ang kanyang kabaong sa nitso. E ang iniabot ba naman sa akin bubot na rosas na kakapiranggot lang ang tangkay. Mabilis na uminit ang ulo ko. Nadistract tuloy ako sa aking mourning mood. Kaya hanggang sa matapos ang pagsesemento sa nitso ni Daddy hindi man lang ako naiyak.

Sorry talaga Daddy sa nangyari noon. Kung napansin mo man. Pero alam mo namang hindi nagtatapos sa araw na iyon ang pagmamahal ko sayo. Alam mong hindi kita kalilimutan. Alam ni Mommy ang sinasabi ko. Dahil sa nakalipas na apat, limang taon buhay na buhay pa rin siya sa alaala ko. E Daddy, ikaw pa kaya. Inispoil mo ako. Malapot man ang dugo kaysa tubig, mas malapot naman ang kondensada.

Written by langaw

Agosto 21, 2009 at 11:29 Umaga

Ipinaskil sa Post-college

Pasaporte

mag-iwan ng puna »

Ipinanganak ako sa Pilipinas. Kapwa isinilang na Pilipino ang mga magulang ko. Green passport ang hawak ko.

Kaya sa tuwing dadaan sa Immigration o/at Custom ng mga paliparan, pinakabubusisi nang maigi ang mga dala-dala kong bagahe. Hindi pa nakuntento sa resulta ng X-ray, bubuksan pa isa-isa at hahalungkatin ang laman ng mga maleta ko. Para bang may ipupuslit akong piratang mga DVD o kaya e may isiniksik na kung ilang kilong manggang hilaw at santol sa ilalim ng mga tinapang binalot sa diyaryo.

Pakatititigan nang maigi ang aking pasaporte ni Immigration Officer gamit ang kanyang x-ray vision. Ang dating e napakabigat sa loob niyang tanggapin na legal ang aking paglalakbay sa ibang bayan. Na ang inaasahan niya sa halip e mag-ti-TNT ako anim na buwan matapos ma-expire ang tourist visa na hawak ko dahil sa ganitong estilo nakakalusot ang karamihan sa mga kababayan ko.

Tuloy, pati ako nadadamay. Palibhasa, pare-pareho kami ng kulay ng balat. Kahit pa nga sabihin nating kulayin namin ang aming mga buhok, huli pa rin sa korte ng ilong.

Basta kasi bibiyahe ang Pilipino, kung hindi pagkakamalang mag-di-DH e mag-aasawa ng banyaga para tuluyan nang magkaroon ng green card o dili kaya nama’y maging citizen na mismo.

Sobrang hassle, pare. Deym!

Para namang ganun-ganun na rin lang ang pagkasabik ko na lumarga para kumita umano ng malaki at nang may maipadalang pantustos sa pamilyang naiwan ko.

Hindi naman totoo. Ni hindi ko nga alam kung bakit ko kailangang umalis.

Written by langaw

Agosto 17, 2009 at 2:16 Hapon

Ipinaskil sa Tissue Paper