Pasaporte
Ipinanganak ako sa Pilipinas. Kapwa isinilang na Pilipino ang mga magulang ko. Green passport ang hawak ko.
Kaya sa tuwing dadaan sa Immigration o/at Custom ng mga paliparan, pinakabubusisi nang maigi ang mga dala-dala kong bagahe. Hindi pa nakuntento sa resulta ng X-ray, bubuksan pa isa-isa at hahalungkatin ang laman ng mga maleta ko. Para bang may ipupuslit akong piratang mga DVD o kaya e may isiniksik na kung ilang kilong manggang hilaw at santol sa ilalim ng mga tinapang binalot sa diyaryo.
Pakatititigan nang maigi ang aking pasaporte ni Immigration Officer gamit ang kanyang x-ray vision. Ang dating e napakabigat sa loob niyang tanggapin na legal ang aking paglalakbay sa ibang bayan. Na ang inaasahan niya sa halip e mag-ti-TNT ako anim na buwan matapos ma-expire ang tourist visa na hawak ko dahil sa ganitong estilo nakakalusot ang karamihan sa mga kababayan ko.
Tuloy, pati ako nadadamay. Palibhasa, pare-pareho kami ng kulay ng balat. Kahit pa nga sabihin nating kulayin namin ang aming mga buhok, huli pa rin sa korte ng ilong.
Basta kasi bibiyahe ang Pilipino, kung hindi pagkakamalang mag-di-DH e mag-aasawa ng banyaga para tuluyan nang magkaroon ng green card o dili kaya nama’y maging citizen na mismo.
Sobrang hassle, pare. Deym!
Para namang ganun-ganun na rin lang ang pagkasabik ko na lumarga para kumita umano ng malaki at nang may maipadalang pantustos sa pamilyang naiwan ko.
Hindi naman totoo. Ni hindi ko nga alam kung bakit ko kailangang umalis.