Ulila
Ulila na ako sa pangalawang magulang.
Kamamatay lang ni Daddy ng nakaraang buwan. Kasabay ng kanyang libing, pumutok ang balitang patay na si Tita Cory. Kaya ang pagdadalamhati ng naiwang pamilya ni Daddy nasapawan ng week-long media coverage ng pagluluksa nina Kris at Baby James at pakikiramay ng mga artista, pulitiko, alagad ng simbahan, at ng masa. Sa madaling salita, ng buong sambayanang Pilipino.
Hindi naman ako galit. Mas nainis pa nga ako sa libing ni Daddy. Pa’no yung mama. Namimigay siya ng mga puting rosas sa immediate family ni Daddy na iaalay sa kanya pag isinilid na ang kanyang kabaong sa nitso. E ang iniabot ba naman sa akin bubot na rosas na kakapiranggot lang ang tangkay. Mabilis na uminit ang ulo ko. Nadistract tuloy ako sa aking mourning mood. Kaya hanggang sa matapos ang pagsesemento sa nitso ni Daddy hindi man lang ako naiyak.
Sorry talaga Daddy sa nangyari noon. Kung napansin mo man. Pero alam mo namang hindi nagtatapos sa araw na iyon ang pagmamahal ko sayo. Alam mong hindi kita kalilimutan. Alam ni Mommy ang sinasabi ko. Dahil sa nakalipas na apat, limang taon buhay na buhay pa rin siya sa alaala ko. E Daddy, ikaw pa kaya. Inispoil mo ako. Malapot man ang dugo kaysa tubig, mas malapot naman ang kondensada.