Grade One
Transferee ako galing private school.
Lumang bahay na pag-aari pa raw ng mga ninuno ko ang naging bagong tirahan namin. Ang pruweba ay ang isang close-up na painting at retratong nakakuwadro ng mga lolo’t lola ng Mama ko na nakadisplay sa isa sa mga kuwarto. Kakatwa ‘yung retrato. Nakatayo ang lolo ng Mama ko tapos nasa kanan niya ang lola ng Mama ko na nakaupo at may kumot. Hindi naman pala talaga siya nakakumot. Tinakpan lang ‘yung isang paang nakataas dahil pampasira nga naman ng porma.
‘Yung tubig na inumin namin ay sinasalok sa malaking bangang gawa sa luwad na ayon kay Mama ay antigo. Sang-ayon pa rin sa kanya, ang mesa, mga silya, kama, aparador, bintana, salamin, poste ng haligi, at sahig ng bahay ay antigo rin. Gayundin ang mga porselanang plato, platito, tasa, babasaging pitsel, at mga baso. Pati mga kutsara’t tinidor, antigo rin. Antigo ang buong bahay.
Makipot ang kalsada na hindi naman talaga matatawag na kalsada dahil hindi aspaltado. Walang dumaraang bus, malamang hindi talaga magkakasya. Hindi rin uso ang traysikel at dyip. Sariwa ang hangin. Malamig din, lalo na sa gabi. Palibhasa’y palibot ng puno at mga halaman na pinakapader ng mga magkakakapitbahay. Halos magkakamukha ang mga bahay, pare-parehong sinauna ang estilo, iba-iba lang ang sukat. Pero ‘yung amin ang pinakamaangas na bahay dahil mataas ang silong at mataas pa ang lugar. Tapos nakatirik pa ang bahay sa kanto ng sangandaan – ang pa-Ilaya, pa-Ibaba, pa-Silangan, at pa-Kanluran. Nasa likod naman ng bahay ang Mataas na Paaralang Pambansa ng Sta. Monica.
Nilalakad lang namin noon ang papunta sa iskwelahan. Noong unang araw ng pasukan, saka lang ako nag-enroll. Maraming tao sa classroom dahil may mga magulang na naghatid sa kanilang mga utoy at tagay na mag-ge-grade one. Karamihan mga nanay. Hinatid din siyempre ako ng Mama ko.
Sinulat ng titser ang requirements sa pisara. Marunong na ako bumasa. Katunaya’y Best in Reading ako nang mag-graduate sa Kinder 2. Binasa ko. Number one. Habon. Habon? Nang mga oras na ‘yon gusto ko itaas ang kamay ko para itama ang maling ispeling ng titser. Kaya lang ay maingay dahil marami pa ring matatanda, at isa pa, abala ang titser sa pagpuno ng pisara ng mga dadalhin namin. Hindi rin ako mapapansin. Binasa ko na rin lang ang mga sumunod pang nakalista. Bimpo. Toothbrush. Toothpaste. Pero hindi ako napakali buong umaga sa classroom kaya pagkauwing-pagkauwi ko inambush ko agad ang Mama ko para ikuwento ang kakatwang nakasulat sa pisara.
“Mama, nata habon? Bakong sabon? Sala su sinurat kang titser ko,” pagmamayabang ko.
Sabi niya ‘yung habon daw ay sabong mabango. ‘Yung pampaligo. Ginagamit daw kasi ang sabon kapag ang tinutukoy ay ang sabong panlaba.
Iyon ang aking first lesson.
Dati pa akong madaldal. Pero nang sinubukan kong makipaghalubilo sa mga bagong kaklase, hindi ko naiwasang hindi pulaan ang isang batang lalaki. Batang-siyudad ako na napadpad lang sa isang liblib na baryo. Maangas ang asta ko. Hindi. Maasta na pala talaga ako pagkapanganak pa lang. Kaya lang sa halip na ako ang matawa, siya at yung mga kasama niya ang biglang nagtawanan. Hindi pala nila ako naiintindihan.
Muli, hiningan ko na naman ng paliwanag ang Mama ko. Hindi raw talaga ako maiintindihan dahil hindi naman mga Bikolano ang kausap ko. Mga Batangueño raw ang kaklase ko at Tagalog ang salita nila.
Iyon ang aking second lesson.
Hindi naman pala totoo na lahat ng pumapasok sa iskwelahan ko ay naka-bakya at ang baong pananghalian ay nakabalot sa dahon ng saging. Siguro’y naipagkamali ko lang sa ikinukuwento ng Mama ko noong estudyante pa siya. Pero karamihan sa mga kaklase ko ay nakatsinelas lamang. Hindi ko iyon agad napansin kung hindi pa dahil sa titser ko.
Hindi ko na matandaan ang eksaktong sinabi niya sa akin. Noon pa man ay lipad na ang utak ko kaya pumasok lang ako nang dire-diretso sa classroom, umupo nang nakapanghalumbaba sa desk, at lampas ang tingin sa pisara. Hindi agad naproseso ng utak ko na pinagagalitan na niya pala ako mula nang pumasok ako sa loob hanggang sa mga sandaling iyon na siya’y nagsasalita. Pagkatapos siguro ng mga tatlong minuto, saka ko lang naunawaan ang nangyari. Pumasok ako nang dire-diretso sa classroom nang hindi nagpupunas sa doormat, at may dala yatang putik ang swelas ng aking sapatos. Hindi ko nakita na parang may tindahan ng tsinelas na nakahilera sa labas ng classroom pagpasok ko. Lahat ng mga kaklase ko ay nakayapak sa loob. Ako lamang yata ang nakasapatos. Pero kaming lahat ay nasa loob.
Bago matapos ang araw ay natutunan ko ang aking third lesson, ang unang rule sa aking bagong iskwelahan, at ang pagkakaiba ng public at private school. Kailangan laging maging malinis kaya dapat palaging maglinis. Simula sa araw na iyon, natuto ako magpispis at magbuli ng sahig.
Dahil grade one at maraming first timer sa iskwelahan (hindi kasi prereq ang Kinder o Day Care), kadalasan bago ang mga gamit. Pero hindi sa akin. Mga natira nung Kinder 2 ang gamit ko, pati na ang bag ko, maliban na lang sa mga notebook. Usung-uso noong Kinder ang pencil case. Palakihan, pagandahan, pamahalan. Hindi ako noon makasabay. Ang pencil case ko kasi noon ay plastic, yung parang lalagyan ng I.D., tapos kulay orange at Hello Kitty ang design tapos may foam sa loob. Hindi ko nagustuhan kasi mura lang kaya hindi ko noon ginamit. Pero iyon ang ginamit ko nang mag-grade one ako sa bago kong iskwelahan. Ang huling natatandaan ko ay may laman iyon na dalawang pamburang mabango na mukhang strawberry bago tuluyang nawala sa aking desk o sa aking bag, hindi ko matandaan. Tapos bigla na lang nakita ko nasa isang kaklase ko na. Natural na sasabihin ko na akin ‘yun, kasi kamukhang-kamukha. Pero normal ding itanggi nang kumuha dahil kanya iyon at binili iyon sa kanya ng kanyang magulang o kapatid. Nagsumbong ako sa Mama ko. Nagsumbong ang Mama ko sa titser ko. Makalipas ang ilang araw, bumalik sa akin ang pangit na pencil case ko.
Hindi na naulit ang engkwentro namin ng aking titser. Naging mabait siya sa akin kaya inabuso ko ang kabaitan niya. Umaabsent ako sa iskwela para lang kumain sa Jollibee na nasa bayan at kulang-kulang isang oras ang biyahe mula sa amin. Madalas din nagsisibilyan ako pagpasok. Tuwing Biyernes lagi ako nakamaong at t-shirt tapos sapatos. Iyon na ang naging uniform ko.
Pero bago pa man maging maayos ang takbo ng aking buhay sa grade one, bago pa man maging kaibigan ang lahat ng kaklase, bago makuha ang tiwala ng titser, bago umabsent para sa Jollibee, at bago pumasok nang nakasibilyan sa klase, hindi ako nagsasalita. Kaya pala ay may kailangan muna akong patunayan sa kanilang lahat. May ritwal na kailangan kong maranasan. Ang unibersal na tradisyon ng binyag sa mga bagong salta.