L A N G A W

Don't judge a shit by the flies that hover around it.

Posts Tagged ‘chibog

Exotic

may 3 puna

Napanaginipan ko raw na may batang lalaking nag-aalok sa akin kainin ang buhay na jellyfish na nasa palad niya. Mukha nga talagang totoong jellyfish pero napakaliit nito. Kasinlaki yata ng maliit na gagambang pinaglalaruan ng mga bata na inilalagay sa kahon ng posporo. Hindi ko na nalaman kung kinain ko nga ang jellyfish dahil nagising na ako at pagbangon ko’y alas onse na ng umaga.

Naalala ko tuloy nung kumain kami ng mga kabarkada ko noong college sa Balaw Balaw last week. Ako ang nagyaya sa kanila sa Balaw Balaw Specialty Restaurant dahil nagse-serve sila ng mga exotic na pagkain. Napanood ko kasi dati sa Travel Channel na pinuntahan ito ni Andrew Zimmern (Bizarre Foods with Andrew Zimmern).

Sa Megamall kami nagkita-kita noong Linggo tapos sumakay kami ng FX biyaheng Angono. May FX terminal pagtawid mo sa labas ng Supermarket sa Mega B. Sinabi namin sa mamang tsuper na ibaba kami sa Balaw Balaw. Sikat yung kainan kaya maski di mo na sabihin ang address. Singkwenta pesos kada isa ang singil sa amin dahil inihatid na kami mismo sa tapat ng restaurant. Tumawid lang kami dahil nasa kabila ng highway, sa kaliwa, yung Balaw Balaw na sa second floor ay art gallery.

Umorder kami ng Minaluto, yung specialty nila na isang bandehadong kanin na may sari-saring ulam sa ibabaw (baboy, manok, pulang itlog at kamatis, alimasag, sugpo, pritong isda, tahong, kangkong at talong) na nakalagay sa parang bilao  (pero may takip, kaya hindi siya bilao hahaha!) na may saping dahon ng saging. Umorder din kami siyempre ng balaw balaw (para siyang alamang, yung sahog sa pinakbet, kasi fermented shrimp din) na native sa Angono. Ansarap! Yun ang pinakapaborito ko sa mga kinain namin. Pagdating sa exotic, baboy damo (tapa) ang inorder namin. Tinanong kami ng waiter kung anong sabaw ang gusto namin, panay kasi prito ang ulam. Hiningi namin ang opinyon niya. Inalok kami ng soup no. 5 na mariing tinutulan naming apat. Nagulat ako sa sarili ko dahil paniwalang-paniwala ako na game na game ako sa kahit ano dahil ako ang nagyaya at tutal naman e nandoon na kami, dapat feeling Andrew Zimmern na rin. Kaso, wala. Naduwag ako sa bayag ng baka hahaha.

Habang tinitingnan pa namin yung ibang nakasulat sa Menu nila, napunta sa balut ang usapan. Sa aming apat, ako lang pala ang hindi pa nakakatikim ng balut na siyang lalo ko pang ikinagulat. Diyata’t mapapahiya pa ako sa kanila. Ang ipinagmamalaki kong frog legs at crocodile meat e balewala dahil hindi ko man lang natikman ang mismong atin.

Naparatangan pa tuloy akong hindi Pinoy.

Sa Japan, natikman ko ang pinakamasasarap (at weird) na ice cream flavors — tofu, green tea, green tea & sweet potato, tofu & black sesame, at peach. Pinatikim din kami ng isa sa mga naging tour guide namin ng pinatuyo at pinitpit (flattened) na octopus. Lasang papel lang na maalat-alat. Hahaha. Ewan, hindi ako magaling sa deskripsyon ng mga pagkain.

Bago ko makalimutan, hindi pa rin pala ako nakakatikim ng isa pa sa mga pinaka-common street food sa atin. Diyata’t hangga’t hindi ako nakakakain ng isaw, wala akong karapatan magbuhat ng sariling bangko.

Written by langaw

Setyembre 3, 2009 at 5:30 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng ,

Thanksgiving

walang mga puna

Bihon. Mash potato. Croutons. Pumpkin pie. Cranberry sauce. Pumpkin tart with cream cheese. Turkey.

 

Habang isa-isa kong kinakain ang mga ito, nakatuon ang pansin ko sa chocolate cake na hindi pa ginagalaw. Naglalaway ako para sa chocolate cake na walang pumapansin o hindi pinapansin o hindi ko alam kung bakit kaya nakapagtataka. Nang maubos ko ang laman ng aking plato, saka naman nagsimulang magproseso ang utak ko batay sa nararamdamang bigat ng tiyan ko.

 

“Gusto ko ng chocolate cake! Pero busog na ako…,” ani ko.

 

“Hindi ka ba makapaghintay mamayang gabi…”

 

O, “Meron pang mamayang gabi” yata ang sinabi niya. Basta ganun.

 

Naglaro kami ng Wii hanggang gabi.

Written by langaw

Nobyembre 27, 2008 at 9:29 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng , ,

Gluttony

walang mga puna

Panay pagkain ang napanood ko sa TV ngayong gabi. Nakahiga na ako sa kama pero ang utak ko’y patuloy pa rin sa paglalaway.

 

Written by langaw

Nobyembre 24, 2008 at 2:16 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng ,

Hell-o-ween

walang mga puna

Akala ko pupunta ng “party”. Yun pala, sa Bellevue Arts Museum. Para masulit ang $9 na fee, nakitikim na rin ako ng Steak House. Habang umiinom nang nakatindig (wala ring mesa), may musikerong sintonado na nagpi-piano tapos naggigitara.

Napakaboring.

Para magpalipas ng oras para sa hinihintay na “Happy Hour”, umakyat kami sa nag-iisang bar na may bilyaran sa Lincoln Square. Pero siyempre kupal ang mga bantay kaya hindi ako pinapasok. Porke mas malaki at mas matangkad sila akin. Porke mukha akong inosente. Porke naka-costume ako. Porke BROWN ako. E di napahiya ako. Kasi nagmukha akong tanga. E di galit na galit ako. Kasi pinagmukha akong tanga.

Dahil hindi naman ako pwedeng iwanan ng mga kasama ko sa labas, nagpasya kaming dumiretso na sa chibugan kahit hindi pa “Happy Hour”.

Kumain kami.

Wala naman palang “Happy Hour.”

Pagkatapos, umuwi na kami.

Pagdating ko sa bahay, na-realize ko napakawalang-kwenta ng celebration. Parang magpapasko kung makapaghanda ang mga tao. May mga last-minute shopping pang nalalaman para sa kani-kanilang costume. Pero pagsapit ng Halloween, wala naman yung “spirit”.

Boring.

Corny.

Pangit.

Baduy.

Written by langaw

Nobyembre 1, 2008 at 11:35 Hapon

Ipinaskil sa Post-college

Minarkahan ng , ,

Kusina

walang mga puna

Di ako nagluluto. Di ko alam kung marunong ako magluto. Di ko pa nasubukang magluto.

Pero dumating ang pagkakataon.

A dos ng Nobyembre nang umuwi ako sa probinsya ko para dalawin ang nanay ko na kalalabas lang ng ospital. Walang pagkain. Walang ulam. Gutom na ako. Salamat sa Knorr Cream of Corn Soup, nagkalaman ang tiyan ko.

Darating daw pala ang tatay ko. Walang hapunan. Nagsaing ako. Walang ulam. Corned beef ang napagdiskitahan ko. Pawis at luha rin ang pinuhunan ko sa pagluto ng corned beef. Naiyak ako hindi dahil sa natatakot ako sa maaaring kalabasan ng niluto ko. Naiyak ako dahil sa hiniwa kong sibuyas na pinanggisa sa corned beef.

Kinabukasan, pagpiprito ang next challenge. Tatlong higanteng tilapya ang iniharap sakin. Gamit ang takip ng kaldero, sinugod ko nang buong tapang ang kumukulong mantika para ilapag ang bawat isang tilapya sa umuusok na kawali. Ang resulta, sunog at durug-durog na laman ng isda na inihain ko sa hapag.

Ayos na rin.

Masarap pala talaga pag ikaw ang nagluto. Walang kasinsarap!

Written by langaw

Nobyembre 12, 2004 at 6:52 Hapon

Ipinaskil sa Bluebook

Minarkahan ng