Posts Tagged ‘panaginip’
Exotic
Napanaginipan ko raw na may batang lalaking nag-aalok sa akin kainin ang buhay na jellyfish na nasa palad niya. Mukha nga talagang totoong jellyfish pero napakaliit nito. Kasinlaki yata ng maliit na gagambang pinaglalaruan ng mga bata na inilalagay sa kahon ng posporo. Hindi ko na nalaman kung kinain ko nga ang jellyfish dahil nagising na ako at pagbangon ko’y alas onse na ng umaga.
Naalala ko tuloy nung kumain kami ng mga kabarkada ko noong college sa Balaw Balaw last week. Ako ang nagyaya sa kanila sa Balaw Balaw Specialty Restaurant dahil nagse-serve sila ng mga exotic na pagkain. Napanood ko kasi dati sa Travel Channel na pinuntahan ito ni Andrew Zimmern (Bizarre Foods with Andrew Zimmern).
Sa Megamall kami nagkita-kita noong Linggo tapos sumakay kami ng FX biyaheng Angono. May FX terminal pagtawid mo sa labas ng Supermarket sa Mega B. Sinabi namin sa mamang tsuper na ibaba kami sa Balaw Balaw. Sikat yung kainan kaya maski di mo na sabihin ang address. Singkwenta pesos kada isa ang singil sa amin dahil inihatid na kami mismo sa tapat ng restaurant. Tumawid lang kami dahil nasa kabila ng highway, sa kaliwa, yung Balaw Balaw na sa second floor ay art gallery.
Umorder kami ng Minaluto, yung specialty nila na isang bandehadong kanin na may sari-saring ulam sa ibabaw (baboy, manok, pulang itlog at kamatis, alimasag, sugpo, pritong isda, tahong, kangkong at talong) na nakalagay sa parang bilao (pero may takip, kaya hindi siya bilao hahaha!) na may saping dahon ng saging. Umorder din kami siyempre ng balaw balaw (para siyang alamang, yung sahog sa pinakbet, kasi fermented shrimp din) na native sa Angono. Ansarap! Yun ang pinakapaborito ko sa mga kinain namin. Pagdating sa exotic, baboy damo (tapa) ang inorder namin. Tinanong kami ng waiter kung anong sabaw ang gusto namin, panay kasi prito ang ulam. Hiningi namin ang opinyon niya. Inalok kami ng soup no. 5 na mariing tinutulan naming apat. Nagulat ako sa sarili ko dahil paniwalang-paniwala ako na game na game ako sa kahit ano dahil ako ang nagyaya at tutal naman e nandoon na kami, dapat feeling Andrew Zimmern na rin. Kaso, wala. Naduwag ako sa bayag ng baka hahaha.
Habang tinitingnan pa namin yung ibang nakasulat sa Menu nila, napunta sa balut ang usapan. Sa aming apat, ako lang pala ang hindi pa nakakatikim ng balut na siyang lalo ko pang ikinagulat. Diyata’t mapapahiya pa ako sa kanila. Ang ipinagmamalaki kong frog legs at crocodile meat e balewala dahil hindi ko man lang natikman ang mismong atin.
Naparatangan pa tuloy akong hindi Pinoy.
Sa Japan, natikman ko ang pinakamasasarap (at weird) na ice cream flavors — tofu, green tea, green tea & sweet potato, tofu & black sesame, at peach. Pinatikim din kami ng isa sa mga naging tour guide namin ng pinatuyo at pinitpit (flattened) na octopus. Lasang papel lang na maalat-alat. Hahaha. Ewan, hindi ako magaling sa deskripsyon ng mga pagkain.
Bago ko makalimutan, hindi pa rin pala ako nakakatikim ng isa pa sa mga pinaka-common street food sa atin. Diyata’t hangga’t hindi ako nakakakain ng isaw, wala akong karapatan magbuhat ng sariling bangko.
Basta Driver, Sweet Lover
Nagising ako bandang 4:30 ng umaga nang tumatawa. Comedy kasi ang napanaginipan ko. Kasama ko raw ang dalawa kong kapatid sa isang café. Umoorder kami ng drinks. Yung isa, umorder ng tea. Nakigaya ako. Pagkatapos, yung isa, hindi makapili. Pinayuhan ko na mag-mint tea na rin lang. Pero nung tinanong na siya ng waiter, ganito ang sinabi niya:
“Miss, may conditioner kayo?”
Naghanap ng shampoo! Kaya pagmulat ko ng mata, tumatawa ako mag-isa sa kwarto ng madaling araw. Nang maibsan, saka ko kinapa ang cellphone sa may ulunan ko (headboard ng kama). Sinet ko ang alarm ng 9:30. Oo, may lakad kasi ako.
Ngayon ang scheduled drive test ko.
Kaya andito ako sa Vernon at wala sa Apartment. Dito ko pinasya kumuha ng exam dahil mas mabilis akong makakapagpa-schedule. Kumpara sa Bellevue, hindi kasing-komersyalisado ang lugar kaya’t hindi ganoon ka-busy ang opisina. Isa pa, at ang pinakaimportante talaga, may magtuturo saken ng technique.
Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang tingnan ko ang weather forecast para sa araw na ito. Hanggang ngayon, mapamahiin pa rin ako.
Ayon sa prediksyon, uulan.
10:50 ako lumabas ng bahay. Madilim ang kalangitan. Kaya binuksan ko ang headlight.
Pagdating sa opisina, umaambon na. Hindi ko na natingnan sa relo kung anong oras ako iniwan ng kuya ko at kung gaano ako katagal naghintay sa loob ng kotse na giniginaw dahil pinatay ko ang makina. Ang tiyak ko lang hindi eksaktong 11:15 dumating ang test instructor. Yun ang palagay ko dahil pakiramdam ko ang tagal kong naghintay. O dahil baka sa sobrang kaba ko lang kaya nakalimutan ko na yung sinasabing mabagal ang oras pag naghihintay. Ewan.
Nung halos mawala na sa utak ko na naghihintay ako, saka siya kumatok sa bintana.
Roll down the window. Smile. Politely answer the question, “How are you today?” Show the car insurance and identification. Check stepping on gas followed immediately by hitting the brake. Check turn signals. At the front. Left. Right.
OK.
At the rear. Left. Right.
OK.
Before rolling up the window, demonstrate proper hand signals. Right. Left. Stop.
OK.
Now, START. Back the car and turn right to go out into the main street.
OK.
Turn right. Pull over to the side. Re-enter traffic.
OK.
At the next corner, turn right. Back around the corner. SWEAT DROPS! Staring. Staring. Staring.
OK.
Re-enter traffic. At the next block, turn left. Stop sign. Behind this truck, do the parallel parking. CURB HIT! Writing. Writing. Writing. “SORRY, YOU FAILED” ALERT. Re-enter traffic.
OK.
Drive… Drive… CONCENTRATION SHAKEN. Turn left back to the office. Park next to the first car on the left.
OK.
OK. OK. OK.
Blah-blah-blah… You scored 88. Blah-blah-blah… Back to the office. Completed test. Blah-blah-blah…
OK?
OK.
Pero hindi ako nakakuha ng lisensya. May kulang pa kasing dokumento.